[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used ismarked as ~g. Mistakes in the original published work has beenretained in this edition.][Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba paupang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayonay hindi na ginagamit. Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mgapagkakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]
Nang kalahatian ng 1906, na lumabas sa larangan ng Panitikang Tagalog ang mahalagang aklat ng "Kun sino ang kumatha ng Florante", ni G. Hermenegildo Cruz, ay sinasabing may mga 106,000 nang salin ng "Florante at Laura" ang naipalilimbag ng iba't iba; at sapul noon hangga ngayon ay marami na ring taón ang nagsipagdaan, at sa loob ng panahong iyan—lalo na nga't kung aalagataing siyang panahon ng kaunlaran ng Panitikang Tagalog at ng kasiglahan sa pagbabasá at ng pag-uumalab na lalo ng pagmamahal sa ating walang kahambing na Makatang Francisco Baltazar—ay walang alinlangang sa datihang bilang ng 106,000 ay di na rin kakaunti at di na iilang libo ang naparagdag pa.
At sa harap ng kasiglahang iyan ay mapaghahalatang nagkaroon din ng ibayong sigla ang nagsisipagpalimbag. Isa't isa ay gumagawa ng kanikanyang kaya, upang mapalitaw na kalugodlugod ang "Florante at Laura". Ngunit sa likod ng kasiglahang iyan at kapuripuring pagpupunyagi ay kasakitsakit sabihing wari'y naipagwawalang bahala kung minsan ng ilan yaong tagubiling:
"Di co hinihinging pacamahalin mo tauana,t, dustain ang abang tula co gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyo ay houag mo lamang baguhin ang verso".
Naipagwawalang bahala? Walang alinlangan. Pinatutunayan ng mga pangyayari. Nguni't maaari namang paniwalaang hindi sa atas ng masamang hangad na "paalatin ang matatamis na tula" kundi bagkus pa ngang sa magandang nais, na lalo pang mapatamis. Lalong mapasarap. Lalong mapabuti. Lalong maitumpak. Gayon man, at maging gaano man kabanalang ganyang nais, ay di rin maipagkakailang tunay na pagwawalang bahala sa tagubilin at tunay na ipinagkakamit ng malubhang kasalanan ni Sigesmundong dinadaliri ng dakilang Makata.
Kailangan ngang kung ano ang akda ng dakilang Makata ay siyang papanatilihing buhay magpakailan man, walang munti mang pagbabago, sa maging labis man o kulang, kahi't mali mang nakikita. Ni isang titik, ni isang kuwit—maliban na nga lamang kung hindi maiwasan dahil sa makapangyarihang atas ng panibagong alituntunin sa pagsulat.
Sinasabing ni saan man ay wala na ngayong matatagpuang isa mang salin ng "Floranteng" limbag noong buhay pa si Balagtas, at may paniwalang ang iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera ay siyang matanda sa lahat nang nakatago ngayon; nguni't sa kagandahang palad ay sumakamay namin ang isang salin ng lumabas noong 1861, linimbag sa papel Tsina ng "Imprenta de Ramirez y Giraudie