[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used ismarked as ~g.][Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba paupang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ayhindi na ginagamit.]
Ang bayan n~g S. José at kanyáng m~ga nayon n~g lalawigang Morong ay balot katahimikan at ang kadiliman ay naghahari sa m~ga lansan~gan, kaparan~gan at m~ga bulu-bundukin.
Waláng gumagambalà sa piping kapanglawan n~g gabing nangyari ang simulá n~g kasaysayang itó, liban sa tilaukan n~g m~ga manok na nagsasabing ang sandalíng iyon ay hating gabi.
Walang anó anó, sa gitnâ n~g katahimikan ay nadin~gig ang yabag n~g isang kabayo sa may hulo n~g nayong Masantol na nalalayo sa bayan n~g may m~ga limang libong dipá.
Ang takbong matulin n~g kabayo'y humina n~g nalalapit na sa nayon, at n~g natatanaw na ang unang bahay ay huminto at ang nakasakay ay lumunsad.
Kung pagmamalasing mabuti ang anyo n~g naglalakbay na iyon sa hating gabi ay makikita, na, siya'y isang binatang lumabás pumasok sa dalawang pu't dalawang taon; ang kanyang pagmumukhang nasan~gag sa init n~g araw ay nagpapahayag n~g isang kalamigang loob na may halong katalaghayang makaaakit sa sino mang makakaharáp; datapwa't ang kaniyang magandang tindig, ang anyo niyang banayad at ang kaliwanagan n~g kaniyang noo na wari'y nagsasabing hindi naugali sa pagyuko, ay nalalaban mandin sa kanyang kagayakan na binubuo n~g isang mambisa at pantalong kulay abó, salakót na may palamuting gintô at pilak, botas de montar, espuelas na pilak, isang balaraw, dalawang revolver sa magkabilang baywang at isang rifle.
Nang makahinto na't maitali ang kabayo sa isang puno ay pinagduop ang dalawang kamay sa labi at ginayahang makaitló ang huni n~g bahaw.
Hindi pa man halos napapawi ang tunóg n~g huni'y nagban~gon ang isá katao sa isang buntón n~g yagít na nalalayó n~g may m~ga dalawang pung hakbang ang agwat sa kinatatayuan n~g ating binata.
—Bigyán pó ni Bathala n~g magandang gabí ang aking kapitán—ang bati n~g buman~gon sa buntón n~g yagít.
—¿Anó ang balita, kaibigang Patíng?
—Kung sa balita po'y marami, n~guni't kakaunti na ang panahón; kung ibig mo pong masunód ang iyóng han~gád ay kailan~gang makarating tayo n~g bayan sa loob n~g isang oras.
—Kung gayón ay may panahón pa akóng magpahin~gá n~g kaunti at maisalaysay mo namán